Editorial Cartoon by Prince Irrel Santillan |
Noong nakaraang linggo, naging laman ng balita ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo natin at ng MNLF. Daan-daang residente ang inilikas upang makaiwas sa labanan. Ngunit saan nga ba nag-ugat ang hindi pagkakasunduan ng ating pamahalaan at ng MNLF?
Balikan natin ang ating kasaysayan, ang isa sa naging ugat ng hidwaan ng mga Pilipino ay ukol sa relihiyon. Ito ay ang relihiyong Islam at Kristiyanismo. Pilit nilang ipinaglaban ang kani-kanilang paniniwala. Kanya-kanyang paniniwala na nagdulot ng hindi pagkakaunawaan. Pwedeng ito rin kaya ang dahilan ng hidwaan ngayon?
Ayon sa ibang pagsusuri, ang dahilan ng MNLF sa ginawang pag-alsa laban sa gobyerno ay ang kagustuhang magkaroon ng sariling pamayanan para sa Mindanao; Pamayanang Malaya sa mga bagay na gagawin sa aspetong pang-ekonomiya, pangpulitika at panglipunan.
Ang isa pang anggulong tinitingnang dahilan ng kaguluhan ay ang anomalya ng mga pinagkakatiwalaang mga pulitiko. Isa raw itong estratehiya upang hindi pagtuunang pansin masyado ng mga ordinaryong mamamayan ang totoong problema.
Sino sa palagay natin ang dehado sa labanang ito? Ang ating mga sundalo na walang sapat na kagamitan? O ang ating mga inosenteng kababayan?
Kung patuloy pa ang labanang ito, maaring marami pang mga inosenteng mamamayan ang madadamay. Maaaring ang kaguluhang ito ang maging mitsa ng pagbagsak ng ating ekonomiya.
Nasaan na ang bisa ng kasunduang pangkapayapaan na nilagdaan ng ating pamahalaan at ng MNLF? Hanggang sa papel na lang ba iyon? Ito ba ang diwa ng pangkapatiran?
Saanman hahantong ang pangyayaring ito, kapwa apektado tayo kung hindi magkakasundo ang ating pamahalaan at ang grupong MNLF?
Ngunit kung kayo ang tatanungin, solusyon nga ba sa suliraning ito ang pagbibigay ng sariling kalayaan ng mga kapatid nating Muslim?
No comments:
Post a Comment