Wika Natin ang Tuwid na Daan! “Sa pamamagitan ng tinig na sumasalamin sa kolektibong karanasan at kasaysayan ng ating bansa, higit pa nating napapalalim ang pagkakaisa at diwa ng bayanihan, sa sarili man nating lupain, o saan man makakatagpo ng kapwa nating Pilipino,” wika ni Pangulong Benigno S. Aquino III mula sa kanyang mensahe para sa buwan ng wika ngayong Agosto 2013.
Agosto ang napiling buwan kung kelan ipagdiriwang ang Buwan ng Wika dahil ito ang buwan ng kapanganakan ni Pangulong Manuel L. Quezon (ika-19 ng Agosto), ang kinikilala nating Ama ng Wikang Pilipino. Napakahalaga ng pamana ni Pangulong Quezon sa atin. Kinumpleto niya ang ating pagka-Pilipino sa pamamagitan ng pagkilala ng wikang Filipino bilang ating pambansang wika. Sa paraang ito, binigyan natin ng kaluluwa ang ating bansa.
Ang kabataan ang pag-asa ng bansa natin. ‘Yan ang paniniwala ni Gat Jose Rizal, ang ating pambansang bayani. Ngunit ang kabataan sa henerasyon ngayon ay masyadong abala sa pagbihasa sa kanilang mga sarili sa kaalaman patungkol sa mga banyagang wika tulad ng Ingles dahil sa kagustuhan ng mga magulang o ang sariling mapag-usisang kaugalian. Unti-unting nakakalimutan natin ang totoong halaga ng ating sariling wika dahil nabubulagan tayo sa mga bagong natuklasan.
Bakit hindi natin muna pagyamanin ang sariling atin bago tayo maging bihasa sa ibang wika. Ang Mother Tongue Based Instruction na ipinatutupad ng Department of Education ay napakalaking bagay upang mabigyang pansin hindi lang ang ating wika kundi pati na rin sa mas madaling pagkatoto ng mga mag-aaral. Dahil sa programang ito mas naiitindihan ng mga musmos na estudyante ang mas maraming bagay dahil hindi na nila ito kailangan pang isalin. Mas lubos nilang nauunawaan ang mga kaganapan sa Siyensya at hindi pahapyaw lamang. Hindi naman kasalanan o kaya’y kalapastanganan kung tayo ay matuto ng ibang wika basta ba’t huwag tayong makalimot na tayo ay Pilipino at tayo ay may sariling wika.
Kahit kailan hindi matutumbasan ng kahit anong banyagang wika ang ating sariling wika. Walang mas makakataba ng puso kundi ang paggamit ng ating sariling wika. Kaya gamitin natin ito para mapatunayan ang ating labis na pagmamahal sa Pilipinas. Lagi nating tatandaan na ang paggamit ng wikang Pilipino ay hindi lamang para sa komunikasyon kundi ito ay ang mahiwagang laso na nagbibigkis sa ating lahat upang tayo ay magkaisa. Ang Pilipinas ay binubuo ng isang matatag na lahi na kinabibilangan ng mga mamamayang nagmamahal nito. Mga mamamayang makatao,maka-Diyos at makabansa. Yakapin natin ang lahing Pinoy at sama-sama nating tuklasin ang tuwid na daan!
No comments:
Post a Comment