Thursday 18 June 2015

HILING - -Angelica Pia Tan

     Sana mawala nalang sila! Ito ang aking naisip habang naglalakad sa isang parke. Inis na inis ako dahil hindi na naman ako pinayagan ni Mama na sumama sa party ng isa kong kaibigan, sinabihan pa niya ako na lumayo sa aking barkada. Lahat nalang yata ay ipinagbabawal sa akin. Bakit hindi nalang sila maglaho lahat?
     Naupo ako sa isang upuan sa tapat ng Ferris Wheel. May isang lalaking tumabi sa akin, matanda na siya ngunit mukhang masayahin. Binate niya ako ngunit ngiti lang ang isinagot ko.
     “Mukhang may bumabagabag sa iyong isipan iha.” ang biglang sabi ng matanda sa akin, “Baka may maitulong ako sa iyo!” Dagdag pa niya,
     “Wala po, sa tingin ko hindi nyo naman ako matutulungan.” sagot ko sa kanya. “Isa akong salamangkero iha, kaya kong gawin lahat.” Nagulat ako sa sinabi niya, ito na kaya ang sagot sa aking problema?
     “Pumikit ka iha, at ibibigay ko ang iyong pinakamimithi.” Nagdalawang-isip ako ngunit sumunod nalang sa ipinag-uutos.
     “Nombre...Fadu...Olvi….” Kinilabutan ako sa kangyang mga salita. “Mag-isa ka nalang ngayon, Bianca!” Nalito ako kung paano niya nalaman ang pangalan ko kaya idinilat ko ang aking mga mata. Magtatanong sana ako kung paano niya nalaman ang pangalan ko ngunit wala na siya sa tabi ko.   
     Luminga ako sa paligid ngunit hindi ko siya Makita. Paano nangyari yun gayong katabi ko lamang siya kani-kanina lang. Lalo pa akong nagtaka nang Makita kong wala nang tao sa parke… maliban sa akin.
     Nagmadali akong umuwi ngunit wala rin akong nakita ni isang tao sa daan. Nasaan na sila? Bigla kong naalala na ito pala ang aking pinakahihiling na mangyari. Napalitan ng tuwa ang aking kaba na nadarama. Sa wakas ay magagawa ko na ang lahat ng gusto ko.
     Lumipas ang mga araw at nagpatuloy ang aking kalayaan ngunit sa paglipas ng mga oras ay unti-unti aking nalulumbay. Wala akong makausap. Naisip ko kung panghabambuhay na ba ito. Natakot ako. Nag-online ako sa Facebook at tiningnan ang chatbox, naka-offline lahat!
     Ang ibig sabihin ba nito ay ako nalang ang natitirang tao sa mundo? Dali-dali akong pumunta sa dating parke, nagbabakasakaling Makita ang matandang salamangkero. Umupo ako sa upuan kung saan ko siya unang nakita, naghintay ako buong maghapon. Sumapit na ang gabi, ngunit wla pa rin akong nakikitang matanda.
     Kinilabuatn ako… ano na ang gagawin ko ngayon? Hindi ito maaari! Hindi!




No comments:

Post a Comment