Monday, 15 June 2015

MANINGNING NA UPUAN - Rona Joyce T. Fernandez

   “KAYO po na nakaupo, subukan niyo namang tumayo, at baka matanaw, at ninyo ang tunay na kalagayan ko.”
    Ang mga katagang ito ay nagmula sa awiting isinulat at kinanta ng bantog na rapper na si Gloc9. Ang kantang ito ay umani ng batikos mula sa ilang bahagi ng pamahalaan at lumikom rin ng puri mula sa mga mamamayang Pilipino. Ito ay tungkol sa mga anomaliyang nagaganap sa bansa at sa pagbubulagbulagan ng mga pinuno sa mga problema ng sambayanang naglagay sa kanila sa kapangyarihan.
    Bakit ko ito nabanggit? Dahil ang mga kalapastangang inaakala nating nagaganap lamang sa gobyerno ay nangyayari rin sa pangkaraniwang tao at ito ay isang uri ng pang-aabuso.
     Ang pang-aabuso ayon sa Wikipedia, ay ang maling pagtrato para sa masamang hangarin, malimit para makakuha ng benepisyo. Ito ay maaaring pisikal o berbal na pagmamaltrato, pinsala, panggagahasa at pagmamaliit sa kakayahan ng iba upang makamit ang pansariling hangarin.
      Ayon sa ating bayani na si Emilio Jacinto sa kanyang kathang Ang Liwanag at ang Ningning, “Ang ningning ay nakasisilaw sa paningin. Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay. Ang bubog kung tinamaan ng nag-aapoy na sikat ng araw ay nagniningning; ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot. Ang ningning ay madaya.”
      Sa kasawiang palad, dumadami na ang bilang ng taong bulag, pipi at bingi. Bulag sa katotohanan, pipi sa katarungan at bingi sa hinaing ng mga mamamayan. Hindi rin mapagkakaila na ang pang-aabuso ay nangyayari rin sa maliliit na lipon. Tandaan, may maraming uri ng pang-aabuso. Kaya sa kasalukuyang henerasyon, sana ay putulin ninyo ang kadena ng bulok na sistema ng pamamahala na ating nakasanayan. Sa taong may sala, ito ang aking mensahe: “Huwag kang masyadong halata, bato, bato, sa langit ang matamaan ay huwag magalit.”













No comments:

Post a Comment